Sa timog ng Pilipinas, sa baybayin ng Sarangani Province, matatagpuan ang isang paraíso na unti-unti nang nadidiskubre ng mga biyahero—ang Tuka Marine Park and Beach Resort.
Kilala ito sa mala-kristal na tubig, puting buhangin, at tahimik na kapaligiran na perpekto para sa mga naghahanap ng katahimikan at pakikipag-ugnayan sa kalikasan.
Matatagpuan ang Tuka Marine Park sa bayan ng Kiamba, humigit-kumulang dalawang oras na biyahe mula sa General Santos City.
Hindi ito basta-basta naaabot ng sasakyan; kailangan pa itong tahakin sa pamamagitan ng bangka mula sa pantalan ng Kiamba, na nagdadagdag ng kakaibang adventure sa iyong pagbisita.
Ang Tuka Marine Park ay may apat na bahagi—Tuka 1, 2, 3, at 4—ngunit ang Tuka 3 lamang ang bukas sa publiko.


Ang natitirang bahagi ay nananatiling protektado upang mapreserba ang mga likas na yaman nito, lalo na ang makukulay na bahura at mga lamang-dagat.
Sa Tuka, puwedeng-puwede kang mag snorkeling, swimming, picnic, trekking at underwater photography para sa mga mahilig sa likas na ganda ng kalikasan o baybayin.
Dahil ito ay isang marine protected area, hindi pinapayagan ang sobra-sobrang komersyalismo, kaya’t mapapanatili ang kasariwaan at kagandahan ng kapaligiran.
Bilang bahagi ng protektadong lugar, hinihikayat ang lahat ng bisita na sumunod sa mga alituntunin, gaya ng hindi pagdadala ng plastik, hindi pangunguha ng korales o lamang-dagat, at pagtulong sa pagpapanatili ng kalinisan.
Kung ikaw ay naghahanap ng isang hindi mataong beach, na may likas na ganda at katahimikan, ang Tuka Marine Park ay isang perpektong destinasyon. Isa itong paalala na may mga lugar pa ring hindi naaabot ng ingay ng modernong mundo—at dapat nating pag-ingatan ang mga ito.
