Inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office Caraga, sa pamamagitan ng Supplementary Feeding Program (SFP), ang huling yugto ng Bayanihan Backyard Gardening sa iba’t ibang Child Development Centers (CDCs) sa lalawigan ng Dinagat Islands nito lamang ika-17 ng Hunyo 2025.

Pinangunahan ni SFP Regional Focal Person Ms. Lea Alegarbes, ND III, ang inisyatibong ito na naglalayong isulong ang seguridad sa pagkain, palakasin ang partisipasyon ng mga magulang, at pagtibayin ang ugnayan sa pagitan ng mga ahensya sa lokal na antas. Inaasahan na ang mga magulang ang mangunguna sa pagtatanim at pagpapanatili ng mga hardin sa loob ng CDCs upang masigurong tuloy-tuloy ang suplay ng gulay para sa pang-araw-araw na pagkain para sa kanilang mga anak sa ilalim ng SFP.

Matapos ang aktibidad ng pagtatanim, lumahok rin ang mga magulang sa oryentasyon ukol sa “Pinggang Pinoy” na naglalayong palawakin ang kaalaman tungkol sa tamang paraan ng pagpapakain at pagpapanatili ng balanse at masustansyang pagkain para sa kani-kanilang mga anak.

Pinalalakas din ng inisyatibo ang pagtutulungan ng DSWD at mga lokal na pamahalaan, partikular ang mga Municipal Agriculture’s Offices at Barangay Councils, na inaasahang magbibigay ng teknikal na suporta at mga kinakailangang kagamitan.

Ipinahayag ni Ms. Jo-ann Gonzales, Municipal Agriculture Officer ng San Jose, ang kanyang buong suporta sa proyekto, kasabay ng pagbibigay-diin na ito ay kaakibat ng kanilang adbokasiya sa urban gardening para sa pangmatagalang seguridad sa pagkain.

Ang Bayanihan Backyard Gardening ng DSWD Field Office Caraga ay nagsisilbing estratehikong katuwang ng Supplementary Feeding Program upang matiyak na may sariwa at masustansyang gulay na madaling maabot-literal na tumutubo sa mga bakuran.

By Shaider

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *