Nasungkit ang tatlong Gold Medals ng dalawang atleta mula sa Mabini, Davao de Oro sa katatapos lamang na 8th Heroes International Taekwondo Championship na ginanap sa Pattaya, Thailand noong Agosto 10, 2025.
Buong pusong pinarangalan ni Governor Raul Mabanglo, ang dalawang kabataang atleta mula sa bayan ng Mabini, sa isinagawang flag ceremony at convocation sa Kapitolyo ng Davao de Oro nito lamang Lunes, Agosto 18, 2025.
Kinilala ang dalawang atleta na sina Vonn “Duday” Bucio, 10 taong gulang, at King Travis Dahab, 14 taong gulang — kapwa mga miyembro ng Mabini Davao de Oro Taekwondo Academy sa ilalim ng kanilang coach na si Mike Wright Entize.


Kasama rin ang kanilang mga magulang na buong suporta sa kanilang tagumpay.
Si Duday ay nagwagi sa dalawang event: speed kicking at poomsae taeguk 5 sa ilalim ng under 11 years old category, habang si King ay kinoronahang kampeon sa kyorugi under 15 (sparring).
Bilang pagkilala sa kanilang karangalan, personal na nag-abot ng pinansyal na suporta si Gov. Mabanglo, sa dalawang atleta.
Ayon sa kanya, ang tagumpay ng mga batang ito ay hindi lamang para sa kanilang sarili kundi para sa buong bayan at lalawigan.
Ang tagumpay nina Duday at King ay patunay ng husay at galing ng mga kabataang Pilipino sa larangan ng sports.
Isa rin itong inspirasyon sa mga kabataan ng Davao de Oro na patuloy na mangarap at magtagumpay, saan mang panig ng mundo.