Bilang paggunita sa National Dengue Awareness Month, nagsagawa ng isang aktibidad ang Pamahalaang Lungsod ng Digos sa pamamagitan ng City Health Office (CHO) noong Hunyo 10, 2025 sa Digos City Gymnasium, Davao del Sur.
Dinaluhan ito ng iba’t ibang sektor mula sa pamahalaan, mga tagapagtaguyod ng kalusugan, at mga kasapi ng komunidad.
Nagsimula ang programa sa isang motorcade na umikot sa sentro ng lungsod upang palaganapin ang kamalayan tungkol sa dengue.


Sinundan ito ng isang opisyal na programa sa loob ng gymnasium.
Sa kanyang welcome remarks ipinaliwanag ni City Health Officer II Dr. Ronald Jumilla, ang kahalagahan ng Dengue Awareness Month at tinalakay ang 4-S Kontra Dengue: Search and destroy mosquito breeding places, secure self-protection, seek early consultation, and say no to indiscriminate fogging.
Nagbahagi rin si CHO Nurse Bryan Ramos ng pinakabagong ulat ukol sa kaso ng dengue sa lungsod.
Ayon sa kanya, noong 2024 ay naitala ang 1,664 na kaso ng dengue. Ngunit dahil sa sama-samang aksyon ng DOH at CHO, bumaba ito sa 309 kaso ngayong 2025 (hanggang Hunyo 9).
Karamihan sa mga apektado ay mga batang edad 14 pababa, kaya naman nagsimula ang CHO ng Indoor Residual Spraying (IRS) sa mga paaralan, na magpapatuloy hanggang Hulyo.
Hinimok ng CHO ang mga mamamayan na makiisa sa mga hakbang pangkalusugan at isapuso ang 4-S strategy upang masiguro ang kaligtasan ng bawat tahanan mula sa sakit na dengue.