Nagdaos ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office Caraga ng kanilang semestral na Regional Management Development Conference (RMDC) sa Spacebar Beach Resort, Cagwait, Surigao del Sur nito lamang ika-4 hanggang ika-6 ng Setyembre 2025.
Tatlong araw na aktibidad ang nagtipon sa pamunuan at kawani para sa masusing pagsusuri ng operasyon, pagpapaunlad ng kasanayan, at pagbabahagi ng kaalaman.
Tinalakay ang CY 2025 Regional Thrusts and Priorities o “MADASIGON,” mga bagong update sa internal na polisiya hinggil sa reklamo at hinaing, at isang knowledge sharing session tungkol sa Knowledge Product Toolkit at Handbook of Style.


Nagkaroon din ng briefing sa Republic Act 11313 o Safe Spaces Act upang maisulong ang ligtas at magalang na kapaligiran sa trabaho.
Bilang bahagi ng promosyon ng kalusugan at kagalingan ng mga kawani, nagsagawa rin ng outdoor games, peer support agreements at therapeutic exercises na nakabatay sa Swarbrick’s wellness wheel.
Inilunsad din ang stress-buddy system upang higit na mapalakas ang suporta sa bawat isa.
Nagsilbi ang RMDC bilang plataporma para sa pag-aangkop ng mga estratehikong prayoridad, habang binibigyang-diin ang kahalagahan ng kalusugan at kapakanan ng mga kawani bilang susi sa patuloy na pagtupad ng ahensya sa mandato nitong maglingkod sa mga mahihirap at nasa laylayan ng lipunan sa Caraga.

