Bilang pagkilala sa natatanging husay at dedikasyon ng mga kabataang atleta, pinarangalan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Davao de Oro nito lamang Hunyo 4, 3025 ang 93 estudyanteng atleta kasama ang kanilang mga coach at trainer na lumahok at nagtagumpay sa katatapos lamang na Palarong Pambansang 2025 sa Laoag, ilocos Sur.
Isinagawa ang pagkilala sa pamamagitan ng pagbibigay ng monetary incentives upang higit na mapalakas ang motibasyon ng mga kabataan na magpatuloy at paghusayin pa ang kanilang talento sa isports.
Ang ganitong suporta mula sa pamahalaan ay nagsisilbing malaking tulong hindi lamang sa kanilang personal na pangangailangan kundi pati na rin sa kanilang pang-araw-araw na paghahanda at pagsasanay.
Ang mga insentibo ay ibinigay batay sa medal placement ng mga atleta kung saan ay nakatanggap ng Php30,000 bawat atleta ang silver medal at Php20,000 naman para sa bronze medal sa individual category.
Para naman sa Group category ay Php20,000 para sa gold, Php16,000 para sa silver at Php12,000 para sa bronze bawat atleta.
Samantala, ang mga atletang hindi man nakapag-uwi ng medalya ay binigyan pa rin ng tig Php10,000 bawat isa bilang pagkilala sa kanilang partisipasyon at pagsusumikap sa prestihiyosong kumpetisyon.
Ang pagkilalang ito ay patunay ng walang sawang suporta ng pamahalaan sa mga atletang Davaoeño, at bahagi ng patuloy na adbokasiya ng lalawigan na linangin ang talento ng kabataan sa larangan ng palakasan.


